MULING magtitipon ang mga kasapi ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) sa unang araw ng Hulyo, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Sa isang panayam sa radyo, inamin ni Major Jennifer Ganaban na tumatayong tagapagsalita ng Quezon City Police District (QCPD) na saklaw ng permit ang pagtitipon ng INC mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi ng Hulyo 1 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Ganaban, tinatayang aabot sa 100,000 katao ang dadalo sa pagtitipon.
Gayunpaman, nilinaw ni Ganaban na may mga kalakip na kondisyon ang permit – limitado sa White Plains Avenue at Temple Drive ang pagtitipon, walang total road closure habang isinasagawa ang aktibidad, at pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa lugar.
Babala ng QCPD, maaaring makansela ang permit kung makikitaan ng paglabag ang INC sa permit ng ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan.
Nauna nang dumagsa ang mga miyembro ng INC sa EDSA People Power Monument nitong Martes para sa emergency rally bilang pagkondena sa umano’y “selective justice.”
