NAGKASA ng malalimang imbestigasyon ang lokal na himpilan ng pulisya matapos bumulaga ang isang putol na paa sa isang tambakan ng basura sa lungsod ng Antipolo.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, isang residenteng mangangalakal basura ang nakapulot ng isang kahon na nakahanay sa iba pang basura na kokolektahin sana ng trak sa Sitio Kurota, sakop ng Barangay Cupang sa nasabing lungsod.
Nang buksan ang kahon, tumambad ang kaliwang paa ng tao.
Agad naman rumesponde ang mga imbestigador ng Antipolo City Police Station at isinailalim na rin sa pagproseso ng Forensic Unit ng Rizal Police Provincial Office ang pinangyarihan.
Patuloy ang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima, pinagmulan ng natagpuang bahagi ng katawan, at posibleng mga sangkot sa insidente.
