UMAASA si Abra lone district Rep. JB Bernos na magiging mas mura, angkop at matatag na ang suplay ng bakuna para sa mga alagang hayop sa bansa matapos ilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang Animal Vaccine Development Program (AVDP) nito.
Para kay Bernos, kapuri-puri ang hakbang ng DA, katuwang ang DA-National Livestock Program, Bureau of Animal Industry, Philippine Carabao Center, at Central Luzon State University, lalo pa aniya’t magbibigay-daan ang naturang hakbang sa mas matatag na local livestock sector at pagsusulong ng food security.
“Our ability to develop our own animal vaccines could mean easier and greater access to cheaper vaccines that could possibly be more effective at battling local pathogen strains,” wika ng Abra lawmaker.
“Kung may kapabilidad tayong lumikha ng bakuna, magiging mas matatag at malusog ang ating mga alagang hayop at masisiguro natin ang supply ng pagkain,” dugtong ni Bernos.
Sa ilalim ng naturang programa, isang Biosafety Level 3 facility ang itatayo para sa safe handling ng high-risk animal pathogens at mapabilis ang vaccine development.
Gayunpaman, hiniling na Bernos sa kagawaran tiyakin na ang laboratoryo ay suportado ng advanced research, technical training, at disease preparedness efforts. Dapat din aniyang nakatuon ang programa sa vaccine candidates para sa ASF at foot-and-mouth disease.
Iniulat naman ng DA na aabot sa P140.9-million ang nakalaang pondo para sa unang tatlong taon na pagpapatupad ng AVDP.
Sinabi naman ni Bernos, na ranking member ng House committee on agriculture and food, na lubhang kailangan magkaroon ang bansa ng kakayahang makalikha ng sariling bakuna laban sa iba’t-ibang sakit na tumatama sa mga hayop para hindi na umasa sa imported vaccines.
“Local vaccines will be cheaper, tailored to area-specific strains, and ensure that our supply is stable even amid global shortages,” diin pa ni Bernos.
“I also believe that we have enough brilliant scientists who are more than capable of developing the vaccines that we need. Kailangan lamang natin silang bigyan ng sapat na suporta.”
