WALANG employer-employee relationship sa pagitan ng Ateneo de Manila University at ng nagbitiw na Blue Eagles men’s basketball team head coach na si Tab Baldwin.
Ito ang giit ng Ateneo sa clarificatory hearing ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kina Atty. Krisha Santos at Atty. Philippe Quimbo na tumatayong abogado ni Ateneo president Fr. Roberto Yap, hindi kailanman naging empleyado ng pamantasan si Baldwin.
Gayunpaman, inamin ng Ateneo na lumagda ang unibersidad sa isang kasunduan kay Baldwin bilang “consultant” – bagay na kinuwestiyon ni Labor Undersecretary Gerard Mosquera.
Partikular na sinilip ni Mosquera ang mga nakasaad na “dos and don’ts” sa naturang kasunduan. Aniya, malinaw na may kontrol ang Ateneo sa ginagawa ng dayung basketball coach sa mga atleta.
Sa panig ng Ateneo, ipinaliwanag ni Quimbo na ang mga nakapaloob na probisyong ay hindi nagdidikta kung paano isasagawa ni Baldwin ang kanyang trabaho, kundi naglalatag lamang ng mga pangkalahatang responsibilidad tulad ng pagdalo sa mga laro ng koponan, pagtulong sa mga manlalaro tulad ng pagsasagawa ng basketball clinics.
Hindi naman nakadalo sa pagdinig si Fr. Yap dahil umano sa nauna na nitong commitment.
Inaasahan namang magsusumite ng kani-kanilang memorandum ang panig ng Ateneo at ni Baldwin sa loob ng susunod na pitong araw bago isumite ang kaso para sa resolusyon.
Inaasahan maglalabas ng desisyon ang DOLE bago matapos ngayong buwan.
