NAKATAKDANG umubos ng hindi bababa sa P1 bilyon ang pamahalaan para palakasin ang Project NOAH gamit ang Artificial Intelligence (AI) na gagamitin para solusyonan ang problema sa pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa isang kalatas, kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglabas ng pondo sa hangaring itaas ang antas ng kakayahan sa pagtaya ng baha, real-time hazard monitoring at mga hakbang para mapigilan ang kalamidad sa bansa.

Giit ng DBM, napapanahon nang mamuhunan ang pamahalaan sa makabagong teknolohiya upang mapigilan ang mga kalamidad bago pa man tumama sa bansa.

Layon din anila ng pamahalaan ang agarang paghahanda sa tulong ng siyensya at teknolohiya para protektahan ang mga buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.

Partikular umano pinaglaanan sa ilalim ng nasabing pondo ang pagbili at deployment ng mga mahalagang ICT, digital, technical at scientific na mga kagamitan, pagkuha ng serbisyo sa mga technical personnel, at pagtatatag bg operational support systems na kailangan upang mapalakas ang kakayahan sa pagtaya ng panahon.

Pag-amin ni DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon, hindi kayang pigilan ang mga bagyo at malakas na mga pag-ulan subalit sa tamang impormasyon at tamang panahon ay maaaring mabawasan ang epekto ng delubyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *