SA bilis ng responde, kalaboso ang ending ng limang nagpakilalang operatiba ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na nasa likod ng pekeng operasyon sa lungsod ng Marikina.
Sa ulat na na natanggap ni Eastern Police District (EPD) director Brig. Gen. Melencio Buslig Jr., kinilala ang mga nadakip na sina alyas Ahom, Don-Din, Ortong, Ric at Beshir na mga residente mula sa Nueva Ecija at Isabela.
Patuloy naman ang pagtugis sa isang alyas Myk at tatlong iba pang nakatakas.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 12:30 ng madaling araw Hulyo 13, 2026 pinasok sa bisa ng isang pekeng warrant ang bahay ng mga biktima sa Barangay, Concepcion Dos sa nasabing lungsod.
Pagpasok sa target na bahay, agad na winasak umano ng mga suspek ang CCTV-camera at itinali ang mga biktima hamit ang cable ties at duct tape habang ninanakaw ang mga alahas at kwarta.
Hindi naman nagpatinag ang biktimang palihim na nakatawag ng saklolo sa lokal na himpilan ng pulisya habang abala sa pagnanakaw ang mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang isang iPad, relo, 9mm pistol, mga bala, sumpak, maskara, cellphone, ID at mga pekeng dokumento.
“Hindi ito simpleng holdap — ginamit nila ang PNP upang takutin at saktan ang mga inosente. Hindi namin palalampasin ang ganitong kalapastanganan na gamitin ang pangalan ng batas sa masamang gawain,” wika ni Buslig.
Pinuri naman ang Marikina PNP sa mabilis na aksyon.
