ISANG taon na mula nang bumida si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa loob ng dambuhalang bulwagan ng Kamara.
Dangan naman kasi, bukod sa karaniwang ulat at planong inilalahad sa SONA, naglabas ng pasabog si Marcos.
“Mahiya naman kayo,” anang Pangulo matapos makarating sa kanyang tanggapan ang garapalang katiwalian sa likod ng mga flood control projects sa ilalim ng pamamahala ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dito na pumasok ang kabi-kabilang imbestigasyon. Maraming pangalan ang lumutang — mga bigating opisyal mula sa sangay ng ehekutibo at maging sa kongreso.
Fast forward tayo. May mga nakulong na wari ko’y sadyang isinakripisyo para pakalmahin ang nagliliyab na damdamin ng mga Pilipino. Sa madaling salita, natabunan ang usapin ng flood control scandal.
Subalit kamakailan lang, binuhay ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang usapin sa flood control. Pag-amin ng Kalihim, sinisilip na ng DPWH ang sumbong ni Senador Panfilo Lacson hinggil sa umano’y ghost projects sa baluarte ni Senador Alan Peter Cayetano — ang lungsod ng Taguig.
Sa isang banda, hindi naman talaga dapat ibaon sa limot ang usapin ng flood control scandal lalo pa’t trilyong-piso ang nawala sa kaban ng bayan dahil sa mga katiwaliang kinasasangkutan ng mga opisyal mula sa DPWH, kongreso at Palasyo.
Sa aking abang pananaw, parang may mali… ano nga ba ang tunay na motibo ni Dizon sa pag-iimbestiga sa baluarte ng mga Cayetano? Dahil kaalyado ni Vice President Sara Duterte? Marahil, utos ng kanyang amo sa Palasyo. O baka naman sadyang malakas lang ang dating ni Lacson kay Dizon.
Kung talagang nais ni Dizon puksain ang katiwalian sa kanyang kagawaran, bakit hindi man lang niya inalam kung may katotohanan ang ibinunyag ng kingpin ng Ilocos Sur hinggil sa umano’y sandamakmak na ghost projects sa Ilocos Norte kung saan puro kamag-anak ng Pangulo ang nakaupo.
Partikular na tinukoy ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang aniya’y ‘kababalaghan’ sa mismong distrito ni Congressman Sandro na paboritong anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bakit Taguig lang?
