UMANI ng kabi-kabilang batikos ang Philippine National Police (PNP) matapos tangkain arestuhin ang dalawang beteranong photojournalists habang kumukuha ng larawan sa isinagawang kilos-protesta kaugnay ng idinaos na ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Pasay City.
Sa isang kalatas, hayagang kinondena ng Press Photographers of the Philippines (PPP) ang umano’y pangha-harass ng mga pulis kina Bullit Marquez at Rene Dilan.
Sa video na kuha ng mga kabaro sa larangan ng pamamahayag, kitang-kita ang pambabarako ng mga pulis kay Marquez at Dilan.
Panawagan ng PPP kay PNP chief Jose Melencio Nartatez, agarang imbestigasyon sa hangarin mapanagot ang mga pulis na sangkot sa insidente.
“Denouncing the incident as a clear violation of press freedom and the constitutional right to gather news, the PPP demands a swift, transparent PNP investigation to hold the responsible personnel accountable,” pahayag ng grupo.
Hirit ng PPP sa PNP, igalang ang karapatan ng mga mamamahayag na ang tanging hangad sa tuwing sumasabak sa mga kahalintulad na aktibidad ay makapag ulat ng balita.
“Standing in firm solidarity with Marquez, Dilan, and all media workers, the organization urges law enforcement to strictly respect journalists’ rights and protect their fundamental duty to inform the public without fear or intimidation,” dagdag nito.
Samantala, taliwas naman sa inaasahan ang tugon ni Nartatez sa naturang insidente. Aniya, walang naganap na harassment.
Sa isang panayam, nagyabang pa ang hepe ng pambansang pulisya na siya mismo ang dadampot kina Marquez at Dilan kung naroon siya.
“Kung nandoon ako, siguro nakapag-aresto na ‘ko kung nagmura sila,” paandar ni Nartatez.
