KAKULANGAN ng nutrisyon ang nakikitang dahilan sa likod ng pagkabansot ng mga batang edad limang taong gulang pababa, ayon sa datos ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI).
Ayon sa FNRI, pumalo na 25.3 percent ang antas ng child stunting o pagkabansot sa mga batang wala pang limang taong gulang — mas mataas kumpara sa 23.6 percent na naitala noong 2024.
Base sa mga pag-aaral, ang stunting ay dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon. Bukod sa pagkabansot, lumalabas na manipis at mahirap umintindi ang mga batang kapos sa masustansyang pagkain.
Pinakamataas ang insidente ng stunting sa hanay ng mga bata mula sa kanayunan. Pinakamarami naman ang naitalang batang bansot mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (36 percent), Zamboanga Peninsula 34.6 (percent), Negros Island Region (30.9 percent), at MIMAROPA (30.3 percent).
Natuklasan ng FNRI na nananatili ang stunting sa 18.9 percent ng mga batang edad 5–10, at sa 21.4 percent ng mga kabataang edad 10–19.
