SA gitna ng palitan ng alegasyon sa pagitan ng dalawang mambabatas, ibinahagi ni Senador Erwin Tulfo ang planong imbestigasyon sa umano’y mga ghost projects sa baluarte ni Senador Panfilo Lacson.
Gayunpaman, nilinaw ni Tulfo na tumatayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, kailangan muna suriin ng komite ang mga dokumentong ginamit na batayan ni Lacson sa alegasyon laban kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Una nang pinaratangan ni Lacson si Cayetano na umano’y nakinabang sa mga “ghost infrastructure projects” na pinondohan sa bisa ng “budget insertions.”
Partikular na tinukoy ni Lacson ang mga flood control projects sa lungsod ng Taguig na umano’y kontrolado ng pamilya Cayetano sa loob ng mahabang panahon.
“We really have to look into that kasi serious iyong matter,” ani Tulfo sa isang ambush interview.
Una nang pinabulaanan ni Cayetano ang mga paratang ni Lacson.
Hamon ni Cayetano sa blue ribbon committee, isabay sa “senate investigation in aid of legislation” ang mga ibinunyag ni former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson hinggil sa dambuhalang anomalya sa mga proyektong imprastraktura sa distrito ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
