MATAPOS ang insidente ng pananakit sa isang kawani ng Philippine Navy, nalagay naman sa panganib ang buhay ng mga Pilipinong lulan ng BRP Datu Dumangsil na naglalayag hindi kalayuan sa Bajo de Masinloc.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), dalawang minuto tumagal ang pambobomba ng Chinese Coast Guard gamit ang “high-pressure water cannon,” Huwebes ng umaga.
Matapos ang insidente, agad na rumesponde ang PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para suportahan ang “Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda” program at maghatid ng tulong sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Dakong alas-5:54 ng umaga, lumapit umano ang CCG vessel na may body number 3302 sa layong 50 metro mula sa unahan ng BRP Datu Dumangsil bago binomba gamit ang water cannon dakong alas-6:29 ng umaga.
Samantala, nagsagawa rin umano ang isa pang CCG vessel na may body number 21579 ng alanganing maniobra sa unahan ng BRP Datu Paiburong.
Gayunpaman, nilinaw ng PCG na walang nasaktan sa mga naturang insidente.
