PARA kay House Speaker Faustino Dy III, walang puwang ang “teka muna” sa nakaambang perwisyo sa pagpasok ng tinatawag na Super El Niño.
Sa isang kalatas, nanawagan si Dy sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para sa mas maagap na tugon sa inaasahang matinding epekto ng Super El Niño sa bansa.
Ginawa ng lider ng Kamara ang panawagan matapos na personal na makibahagi sa ginanap na pagtalakay ng House Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, sa climate pattern na nagsisimulang maranasan na sa ilang lalawigan.
“Ito po ay napapanahon sapagkat naranasan na po natin ang matinding epekto ng El Niño sa crop production, food security, at sa ating ekonomiya. From 2023 to 2024, palay production dropped by 12% to 15%, leading to higher rice prices and affecting millions of Filipinos,” paglalahad ni Speaker Dy.
Katunayan aniya, nasaksihan niya mismo ang pinsalang dala ng El Niño sa Isabela kung saan bumagsak ang produksyon ng mga pananim at nangamatay ang isda dahil sa pagkatuyo ng Magat Reservoir bunsod ng El Niño.
Bagama’t may emergency interventions na nakatulong para maibsan ang problema ng mga magsasaka at mangingisda, binigyang-diin ni Dy ang pangangailangan ng ng unified national preparedness framework para mapaghandaan ang tugon bago pa man dumating ang suliranin.
“Mga kasama, hindi po natin mapipigilan ang tagtuyot o tag-ulan. Ngunit kaya nating bawasan ang magiging pinsala nito kung maagap ang ating paghahanda,” giit ng lider-kongresista mula Isabela.
Aniya, mahalaga ang layunin ng nasabing House briefing upang makabuo ng isang national preparedness framework laban sa El Niño, “isang sistemang epektibo, implementable, at magbibigay ng proteksyon sa ating mga kababayan.
“Mahalaga po na maging handa po tayo at huwag na po nating hintayin dumating ang krisis bago umaksyon para sa kapanatagan ng bawat magsasaka at bawat Pilipino.”
