MATAPOS tuldukan ng prosekusyon ang paglalatag ng mga ebidensya sa kasong grave threat at inciting to sedition laban kay Vice President Sara Duterte, isasalang naman ng defense panel ang mga NBI officials na nagdiin sa pangalawang pangulo.
Ayon kay impeachment adviser at trial spokesperson na si former Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, matagumpay na naiprisinta at napagtibay ng prosekusyon ang kasong pagbabanta ng bise presidente sa buhay ng First Couple at dating lider ng Kamara.
Sa pagtatapos ng tagausig sa pagtalakay sa Article 4 ng impeachment cases, ang mga tagapagtanggol naman ng akusado ang maglilinya ng argumento.
“Nag-shift na ngayon [ang burden] kasi noong una nung nagprisinta ang prosekusyon ay iprinisinta namin, inilatag natin ang mga ebidensya na sa aming paniwala ay dapat marinig, makita ng ating mga kababayan,” bungad ni Barbers.
“Eh ngayon naman, yung burden of evidence shifts to the defense panel. Dapat sila rin ang sumagot, tumugon at i-counter or i-rebut yung ebidensyang ipinakita at inilatag ng prosekusyon,” dugtong niya.
Ganito rin ang posisyon ni counsel for the House prosecutors at spokesperson, Atty. Benjamin Tolosa Jr., na sinabing “the prosecution has presented competent and credible evidence proving that the Vice President made statements threatening the life of the President.”
Partikular na tinukoy ng abogado ang ebidensya na authenticated recordings ng Nov. 23, 2024 public statements ng akusado, ang forensic examination ng National Bureau of Investigation’s (NBI), at ang official investigation ng ginawa ng huli tungkol sa pag-amin mismo ni Duterte na pagkuha ng assassin.
Giit ni Tolosa, hindi uubra ang tuwirang pagtanggi lamang ng depensa sa mga ebidensya at testigo ng prosekusyon, sa halip ay kailangan nitong maglabas ng sarili pagpapatunay ng posisyon nito.
“Hindi na sapat ang simpleng denial. Kailangan na nilang sagutin ang authenticated recordings, ang forensic findings, ang official investigation, at ang national security assessment na nasa record na,” giit pa niya.
Dagdag ni Tolosa, ang ipinupunto ng prosekusyon ay nakagawa ng malubha o seryosong pagbabanta ang bise presidente, isang gawi na hindi akma sa pagiging isang mataas na opisyal kung kaya dapat itong mapatalsik sa pwesto.
