“HINDI naman ibig sabihin na kapag ikaw ay popular, hindi ka na pwedeng managot,” bulalas ni former Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa umano’y “distorted sense of entitlement” ni Vice President Sara Duterte matapos makasungkit ng mataas na trust rating sa SWS survey.
“With the high popularity, trust and satisfaction ratings ng ating Bise Presidente, dapat mas mataas ang standards of accountability ng kanyang opisina,” wika ni Barbers na tumatayong impeachment adviser ng House prosecution panel.
“Hindi dapat lumalabag sa ating mga batas dahil iyan ang kanyang sinumpaang tungkulin,” dugtong ng dating kongresista.
Ani Barbers, karapatan ng mamamayang Pilipino marinig o malaman ang direktang sagot ni Duterte sa kaliwa’t-kanang akusasyon.
“Para sa akin, the Filipino people deserve an answer after hearing and seeing all these evidences presented by the prosecution. Now is the time na masagot naman ’yan ng kabilang panig o ng akusado,” punto ng dating Mindanaoan solon.
Sinabi rin ni Barbers na magkaugnay ang public trust at accountability sa hanay ng mga opisyal gobyerno.
“Magkadikit kasi ang trust at saka accountability. The higher the trust, siyempre, the higher the accountability. Hindi mo pwedeng paghiwalayin yon,” paliwanag ni Barbers.
Binigyan-diin naman ni House prosecution counsel at legal spokesperson, Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., na ang public popularity ay hindi maaaring gamiting palusot sa constitutional accountability.
“Pinapakita nito (SWS survey) na sumasang-ayon ang publiko sa posisyon ng prosecution na kasikatan, popularidad, hindi lisensya para gumawa ng hindi tama, lalo na para sa napakataas na posisyon na hinahawakan ng isang lingkod-bayan,” ani Tolosa.
“Hindi pa rin nawawala ang paniniwala ng mga tao na dapat pa rin niyang sagutin itong mga napakaseryoso at mabigat na allegations sa Articles of Impeachment,” pahabol ni Tolosa.
