HINDI na ikinagulat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang desisyon ng Sandiganbayan pahintulutan si former Senator Bong Revilla makalaya sa bisa ng piyansa para sa kasong pasok sa kategorya ng non-bailable offense.
Pag-amin ni Remulla, inaasahan na nila ang desisyon ng Sandiganbayan na payagan si makapag piyansa sa kasong malversation kaugnay ng flood control scandal.
“We predicted this to happen. Alam naman namin ito… meron talaga mangyayari na mukhang natrabaho, na magkaroon ng grant of bail,” wika ni Remulla sa kanyang programa sa radyo.
Buwan ng Enero naghain ang Office of the Ombudsman ng kasong malversation through falsification of public documents at graft laban kina Revilla, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, at lima pang iba kaugnay ng umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division, sumuko si Revilla sa Criminal Investigation and Detection Group at pansamantalang nanatili sa New Quezon City Jail.
Noong Biyernes, Hulyo 31, pinaboran ng korte ang inihaing petition for bail. Matapos ang ilang oras, tuluyan nang nakalabas sa kulungan ang dating senador matapos magbayad ng P1 milyon bilang piyansa.
