SA halip na mabawasan, asahan na mas tataas pa ang singil sa susunod na buwan matapos pahintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na kolektahin ang tinatayang P8.71-billion “under recoveries” mula 2011 hanggang 2022.
Batay sa inilabas na desisyon ng ERC, kabilang sa mga babawiin ng Meralco ang nasa P595-million system loss charges, P616 million transmission costs, P7.30 billion generation costs, at P229 million real property taxes.
Gayunpaman, nilinaw ng ERC na hindi isang buhos ang gagawing paninigil sa mga konsyumer. Anang ahensya, hahatiin sa 36 na buwan ang pagbawi ng “recoveries.”
Sa pagtataya ng ERC, tataas ng P0.0803 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil sa kuryente.
Bahagya naman pinawi ng naturang ahensya ang agam-agam ng mga kyumer. Anila, mas mataas ang refund na matatanggap ng mga konsyumer dahil sa nauna nitong utos na ibalik ng Meralco ang P9.51 bilyon na sobrang nakolektang distribution charges sa loob ng anim na buwan.
Sa kabuuan, lumalabas na P798 million na lang ang ire-refund ng Meralco.
