KAWALAN ng katuparan sa pangako ng gobyerno ang nagtulak sa mga operator at driver ng mga pampasadang jeep para ang maglunsad ng panibagong tigil-pasada mula Lunes hanggang Miyerkules ng susunod ng linggo.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng transport group na Manibela ang nakatakdang tigil-pasada — na sasabayan pa anila ng kabi-kabilang demonstrasyon bilang protesta sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa pamunuan ng Manibela, pinaasa lang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator at driver sa pangakong implementasyon ng dagdag-pasahe.
Samantala, naglabas ng anunsyo ang Department of Energy (DOE) sa bahagyang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo simula Martes.
Ayon sa DOE, tatapyasan ng 60 sentimos kada litro ang presyo ng diesel, habang 73 sentimos naman ang inaasahang rollback sa gasolina at P2.09 kada litro sa kerosene.
Noong nakaraang linggo, tumaas ng P7.32 kada litro ang presyo ng diesel, P6.80 kada litro ang gasolina, at P4.22 kada litro ang kerosene.
