ARESTADO sa bisa ng warrant of arrest ang 10 miyembro ng tinaguriang Maleta Boys matapos mabigong maglagak ng piyansa para sa kasong perjury na isinampa ng mga prominenteng opisyales ng pamahalaan.
Matapos dakpin, agad na nagtungo sa Las Piñas Regional Trial Court Biyernes si Atty. Levito Baligod na tumatayong abogado ng mga nagpakilalang ex-Marines na nagsilbing tagadeliver ng male-maletang pera para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., former House Speaker Martin Romualdez, gayundin sa mga senador, kongresista at miyembro ng gabinete.
Pagkatapos magpiyansa, agad na pinakawalan ng Las Piñas Police ang mga akusado. Ang halaga ng piyansa — P72,000 kada ulo para sa 4 counts ng perjury.
Nag-ugat ang mga kaso sa pag-amin ng “Maleta Boys” na sila ang inatasan ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co na maghatid ng parte ng mga opisyales sa kickback mula sa mga maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Kabilang sa mga nagsampa ng kasong perjury sina Mamamayang Liberal partylist Rep. Leila De Lima, dating Senador Antonio Trillanes IV, dating National Security Adviser Eduardo Año, at Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Samantala, kinumpirma ni Baligod na binawi na ng apat sa “Maleta Boys” ang lagda sa joint affidavit, matapos umanong alukin ng malaking halaga mula sa hindi pinangalanang politiko.
