TALIWAS sa inaasahan, wala muna magaganap na pagtaas ng minimum fare sa mga pampublikong sasakyan.
Gayunpaman, tiniyak ni Secretary Giovanni Lopez ng Department of Transportation (DOTR) na maghahanap ng ibang paraan ang ahensya para makatulong sa sektor ng public transportation.
Paglilinaw ng Kalihim, hindi ibinasura ng DOTR ang fare hike petition ng mga transport groups na umaaray na sa mataas na presyo ng krudo sa merkado, pero hindi naman aniya dapat ipasa sa mga pasahero ang problema sa halaga ng petrolyo.
Samantala, pansamantalang isinantabi ng ilang transport groups ikinasang tatlong-araw na tigil-pasada simula sa Lunes.
Ayon kay Pasang Masda president Obet Martin, binawi ang welga matapos talakayin ng DOTr ang mga ilalatag na programa ng gobyerno para sa public transport sector.
Bukod sa Pasang Masda, hindi na rin tutuloy sa welga ang mga miyembro ng Acto, Altodap, Fejodap at Busina.
