SANTAMBAK na trabaho ang palusot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kabiguan bayaran ang tinatawag na “estate tax” ng pamilya.

Sa isang pulong-pananghalian kasama ang mga opisyal at miyembro ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), inamin ni Marcos na hindi na niya nagawa pang subaybayan ang responsibilidad bilang “co-executor” ng mga ari-arian ng pamilya.

“I have neglected some of my duties as co-executor because I have been busy with many things a President is busy with,” wika ng Pangulo.

Para kay Marcos, higit na kailangan pagtuunan ng panahon ang mandato kasabay ng giit na ang isyu sa estate tax ay usaping pampamilya.

“113 million times more important,” wika ni Marcos na ang tinutukoy ay ang dami ng mga Pilipinong nagbigay ng tiwala — at kailangan pagsilbihan sa loob ng anim na taon.

Taong 1999 pa nang atasan ng Korte Suprema ang mga tagapagmana ng Marcos family estate na bayaran ang ang nasa P23 bilyong estate tax sa pag-aari ng pamilya.

Sa paglipas ng mga taon, lumobo ang obligasyon sa P203 bilyon bunsod ng interes at multa.

Samantala, nilinaw ng Pangulo na hindi “ill-gotten wealth” ang pag-aari ng pamilya Marcos.

Katunayan aniya, naglabas na ng desisyon ang korte hinggil sa nasabing usapin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *