KALABOSO ang ending ng pitong indibidwal na huli sa akto habang pumupusta sa kakaibang sabong, sa lalawigan ng Batangas.

Sa ulat na isinumite ng Batangas Provincial Police Office sa punong himpilan ng pambansang pulisya, inaresto ang pitong lalaking tumataya sa labanan ng gagamba sa Barangay Pangao, bayan ng Ibaan, Batangas nitong Linggo

Sa isinagawang joint illegal gambling operation sa pagitan ng Ibaan Municipal Police Station at Batangas Provincial Intelligence Unit, huli sa akto ang mga suspek habang tumataya sa laban ng mga gagamba, matapos makatanggap ng sumbong hinggil sa ilegal na sugalan.

Narekober mula sa operasyon ang isang portable spider-fighting arena, 11 pirasong paleta, pitong kahon na naglalaman ng tig-25 buhay na gagamba, at pusta.

Kumpiskado rin ang isang timbangan, notebook at score sheet na umano’y gamit sa naturang aktibidad.

Kasalukuyang nakapiit ang pitong suspek habang ikinakasa ang kasong paglabag sa Presidential Decree 1602.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *