“IT’s no longer credible. Wala nang credible testimony.”

Ito ang tahasang tugon ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez nang hingian ng reaksyon sa pagbawi ng nasa 25 indibidwal na nagpakilalang aide ni former Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa nauna nilang testimonya.

Paggigiit ni Fajardo, sa pangyayaring pinabulaanan mismo ng saksi ang kanyang naunang testimonya, hindi na maaaring maituring na kapani-paniwala ang mga sasabihin nito.

“Kung mga sampung beses ka na nag-somersault, e di ano pang credible doon? Hindi po ba? One way or the other?” Dagdag pa niya.

Ayon kay Fajardo, nalaman lang niya sa balita at social-media reports ang pagbawi ni Orly Guteza sa naunang alegasyon nito na paghahatid umano ng male-maletang pera bilang kickback umano sa infra projects kina Romualdez, Co at maging kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Aniya, sinusubukan nila makuha ang mismong documento o bagong testimonya na ito ni Guteza para magamit bilang depensa ng former House speaker.

Maging ang pagbawi ng 25 katao sa sinasabi ng mga ito na pagdedeliber ng pera ay mahalaga para panig ni Romualdez.

“Some of them were named as drivers’ companions. Pero sila mismo, dini-deny nila. So ano ngayon iyong credibility ng isang statement na kasama namin itong driver X and Y sa delivery when X and Y are actually saying na hindi nangyari iyon? So may correlation po iyong mga affidavit,” sabi pa ni Fajardo.

Binigyan-diin ni Fajardo na patuloy na naninindigan si Romualdez na wala itong tinanggap na anumang pera mula kay Co at mga umano’y tauhan ng huli.

Samantala, patuloy na hinihimok ng kampo ni Romualdez sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng full at impartial evaluation ng mga ebidensiya at huwag pangunahan ang pagdedesisyon.

Ani Fajardo, hindi tama ang pag-aanunsiyo hinggil sa malapit na umanong magdesisyon ang Ombudsman sa pagsasampa ng kaso gayung katatanggap lamang nito ng sagot ng lahat ng partido.

“Dapat hindi ganoon ang pagkakasabi. Dapat hindi pre-ordained ang resulta. We can only hope for fairness,” sabi niya.

Paglilinaw ni Fajardo, naghain si Romualdez initial counter-affidavit nito noong August 7 at magsusumite ng supplemental counter-affidavit sa susunod na mga araw para maisama ang bagong testimonya ng 25 former security, administrative at close-in aides Co, kasama na ang recantation ni Guteza.

Dagdag pa niya, ang lahat ng akusasyon laban sa Leyte lawmaker ay nasagot na nito kabilang ang pagdadawit sa flood-control project anomalies.

Sinabi ni Fajardo na lumalabas na ang pagkakaso kay Romualdez ay batay lamang sa teorya na pagiging lider nito ng Kamara at si Co naman bilang House appropriation panel chair.

“Pag ganoon po ang theory ng kaso, e di lahat ng nag-participate na congressman, lahat ng nag-participate na senador, kasi bicam ito, pati executive department kung saan nagmula itong project na ito, ay lahat nasa control ng Congressman Romualdez. I think that’s not consistent with human experience,” punto ni Fajardo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *