SA gitna ng patuloy na pagdami ng insidente ng karahasan sa mga paaralan, nanawagan si Senador Mark Villar para sa agarang pagpapatibay ng Senate Bill 2426 (Comprehensive School Safety Act) na naglalayong protektahan ang sektor ng edukasyon. Sa kanyang co-sponsorship speech, binigyang-diin ni Villar na ang bawat buhay na nasasayang ay nangangailangan ng konkreto, angkop, at agarang tugon upang protektahan ang mga bata, titser, at mga school personnel laban sa karahasan sa mga paaralan. “Lubos na nakakaalarma ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga eskwelahan. Kailangan po na magkaroon ng comprehensive at holistic na solusyon sa isyu na ito, lalong-lalo na at nakikita natin kung gaano kadali para sa mga kabataan ang magkaroon ng akses sa baril at iba pang deadly weapons,” wika ni Villar. Ang substitute measure, na nakapaloob sa Committee Report No. 89, ay nagtatatag ng komprehensibo, angkop at mas pinalawig na polisiya para sa kaligtasan sa paaralan. Saklaw panukala ang mga paraan sa pag-iwas, pagtugon, at pagbangon mula sa iba’t ibang banta at emergency upang mapangalagaan ang pisikal, mental, psychosocial, pangkalusugan, at digital na kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan. Ikinatuwa din ni Senador Villar dahil kasama na mahahalagang probisyon ang dalawa niyang naunang inihain na panukalang batas — ang Senate Bill 2321 o ang Learning Institutions’ Guaranteed Threat Avoidance and Safety (LIGTAS) Act, at Senate Bill 2133, o ang Students’ Guidance Counseling Act. Alinsunod sa LIGTAS Act, itinataguyod ng Comprehensive School Safety Act ang mas pinaigting na presensya ng mga pulis at emergency response team sa loob o paligid ng mga paaralan. Tutulong ang mga ito sa pagsasagawa ng security inspections, threat assessments, at iba pang operasyong pangkaligtasan. Inaatasan din ng panukala ang mga paaralan na maglagay ng mga kagamitang pang seguridad gaya ng closed-circuit television cameras o CCTV at metal detectors. Isinama rin sa panukala ang mga “professional intervention” para sa mental health sa ilalim ng Students’ Guidance Counseling Act. Layon ng mga naturang panukala tugunan ang lumalalang mental health crisis sa hanay ng kabataan at maagapan ang suliranin bago pa lumaki at maging mas mabigat na banta. Binigyang-diin din ni Villar ang pangangailangang magbigay ng karagdagang suporta at proteksyon sa mga guro at kawani ng paaralan na may tungkuling pangalagaan ang mga estudyante sa panahon ng emergency, kahit sila mismo ay nahaharap din sa panganib. “Bukod sa kanilang teaching load, nakasalalay rin po sa ating teachers at school staff ang seguridad ng mga estudyante tuwing mayroong insidente tulad nang nangyari sa Tacloban at Zamboanga kung saan school personnel ang ilan sa naging biktima. Mahalaga rin po na bigyan sila ng karagdagang suporta at proteksyon,” aniya pa. “At bilang mga mambabatas at mga magulang, responsibilidad natin na siguraduhin ang mga bata ay malaya at ligtas na makakapag-aral at makakauwi sa kanilang bahay. Walang bata ang dapat matakot pumasok sa paaralan at walang magulang ang dapat mangamba kung makakauwi pa ang kanilang mga anak,” dagdag niya. Hinimok ni Villar ang mga kapwa senador na suportahan ang agarang pagsasabatas ng panukala, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi dapat hayaang maging normal o lalo pang lumala ang kultura ng karahasan sa loob ng mga paaralan. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation DBM kinuwestyon sa ‘lump sum items’ sa 2027 budget VP Duterte dapat isailalim ng COA sa fraud audit – Abante