SA panimula nang pagprisinta ng House prosecution panel sa Article II ng impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte, tatlong testigo ang nakatakdang isalang, sa pangunguna ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang. Ayon kay House prosecutor at Bicol Sara partylist Rep. Terry Ridon, sina Cabotaje-Tang, Atty. Karen Batu, na officer-in-charge of the Records Division ng Office of the Ombudsman at Atty. Gerardo Del Rosario, director ng Company Registration and Monitoring Department ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang unang haharap sa paglilitis para sa alegasyon ng yaman na hindi nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Partikular na magbibigay ng testimonya ang former anti-graft court justice “sa usapin ng public accountability, integrity in public office, at mechanisms for addressing undisclosed and unexplained wealth and prohibited business interests.” Si Batu ay para sa pagbibigay ng salaysay sa nilalaman ng mga SALN na isinumite ng nasasakdal habang si Del Rosario ay sa authentication at identification ng corporate records na iniuugnay kay Duterte. Sina Ridon at Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang magsisilbing co-counsels sa paglalatag ng House prosecution panel ng Article II. Sinabi ni Ridon na nitong nakaraang dalawang araw ay nagsagawa ng marking of evidence, kabilang ang bank transaction records, tax documents, at mga dokumento mula SEC at the Anti-Money Laundering Council (AMLC) na konektado sa bise presidente at asawa nitong si Atty. Manases Carpio. “So naghahanda na yung unexplained wealth team para sa pagbubukas ng article na ito. Hopefully, in the next two to three weeks, particularly kung mahaba yung mga paglilitis, matapos namin before the middle of October, or at the start of October, itong pagbubukas at pagsasara nitong unexplained wealth article ng impeachment.” – Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Kumikitang magsasaka, susi sa food security Sablay lalabas sa bank statement, tax records