TATLONG araw na hindi papasada ang mga tsuper na miyembro ng ilang transport groups bilang protesta sa anila’y kawalang katiyakan para sa mga drivers at operators kaugnay ng isinusulong na public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay Mar Valbuena na tumatayong Pangulo ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela), isasabay nila ang tigil pasada sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sisipa aniya ang transport strike na inaasahang lalahukan ng hindi bababa sa 300,000 miyembro ng iba pang transport groups na nakabase sa National Capital Region (NCR), Calabarzon at Central Luzon sa hudyat ng Hulyo 24 at tatagal hanggang ika-26 ng naturang buwan.
Una nang binatikos ni Valbuena si Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr) sa aniya’y pag balewala sa pangakong Nauna rito, inirereklamo ni Valbuena sa isang Facebook live kung paano binabalewala sa pangakong pagrebisa sa 2017 Omnibus Franchising Guidelines.
Nakasaad sa panuntunan ang planong pagpapalit ng traditional jeeps ng mas mahal na environment-friendly fuels at engines.
Nagbanta na rin ang mga transport groups na magsasagawa ng isang linggong tigil-pasada noong Marso, ngunit ipinagpaliban ito sa Disyembre 31, bunsod ng pangakong pag-aaralan muli ang PUV modernization program.
Gayunpaman, hindi na umano nila kayang hintayin pang sumapit ang itinakdang deadline.
