
HIGIT na kailangan pagtuunan ng administrasyong Marcos sa kanyang ikalawang taon sa pwesto ang mga hakbang na tatahak patungo sa asam-asam na pagbangon ng ekonomiyang inilugmok ng pandemya.
Para kay Senador Bong Go, marapat na talakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang inclusive at full economic recovery ng bansa.
“Unang-una, syempre po kailangan po na walang maiiwan na Pilipino sa ating economic recovery,” pahayag ni Go.
“Dapat po, nais ko pong marinig sa pangulo ang kanyang additional na plano kung ano pa ang pwedeng gawin upang mas lalong maisakatuparan ang ating inclusive and full economic recovery mula po sa pandemya,” dagdag niya.
Ayon pa sa senador, dapat walang maiiwan maralita, kasabay na panawagan na palaging isaalang-alang at i-prayoridad ang mga pobre sa mga proyekto at programa ng gobyerno.
Nanawagan rin si Go sa pamahalaan na pagtuunan ang paglikha ng mas maraming trabaho.
“Dapat po, walang magutom. Importante po dito tiyan ng bawat Pilipino. Importante po rito trabaho ng bawat Pilipino. Dapat walang maiwanan mahihirap nating kababayan. Unahin po ang mga programa na nakakatulong po sa mga kababayan natin,” wika ng mambabatas.
Nagpahayag din ng suporta si Go sa isinusulong na Philippine Development Plan (PDP) ng administrasyon. Sa ilalim ng PDP nakatala ang eight-point agenda na naglalayong tiyakin ang food security, pinabuting supply chain management, murang enerhiya at tugon sa mga maralitang higit na apektado sa dagok ng pandemya.
Pasok rin sa PDP ang kalusugan, proteksyon sa mga abang sektor ng lipunan, imprastraktura at agapay sa mga maliliit na negosyo.
“The more we should invest sa ating healthcare system sa ngayon. Infrastructure development, trabaho po ‘yan at creating a green economy, strengthening market competition and promoting entrepreneurship, negosyo po lalong-lalo na ang mga MSMEs, ‘yung maliliit nating negosyante,” aniya pa.