HINDI pa man nakakabangon sa perwisyong dulot ng Super Typhoon Egay, isang panibagong sama ng panahon ang namataang papasok sa Philippine area of responsibility.
Ayon sa PAGASA, inaasahan ganap na makakapasok sa bansa ang bagong bagyong Falcon (international name Khanun) na namataan 1,300 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Taglay ng bagyong Falcon ang hangin na may lakas na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna, ay may bugsong aabot sa 80 kilometro kada oras sa direksyon kanluran timog kanluran at umuusad sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Sa pagtataya ni PAGASA weather specialist James Villamil, inaasahan ang pag landfall ng bagyong Falcon bandang hapon sa darating na Linggo.
“Patuloy pong lalakas sa mga susunod na araw at papasok ito bilang typhoon category sa ating [PAR] bukas ng gabi hanggang sa Sunday ng madaling araw,” pahayag ni Villamil.
Bagamat wala pang nakikitang epekto ang bagyong Falcon sa kalupaang sakop ng PIlipinas, inaasahan naman aniya ang patuloy na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas bunsod ng Hanging Habagat.
