Ni Lily Reyes
INIREPORT kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakaaresto sa 16 katao matapos makumpiskahan ng baril sa kabila nang ipinatutupad na Comelec gun ban, sa magkakahiwalay na operasyon mula Agosto 28 hanggang Setyembre 12.
Ayon kay QCPD District Director, P/BGen. Redrico A Maranan, ang operasyon ay bilang tugon sa ipinaiiral na Comelec gun ban at sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa illegal possession of firearms.
Sa magkakahiwalay na operasyon, nadakip ng La Loma Police Station (PS 1) sa ilalim ni P/L. Col. Romil Avenido ang tatlo katao matapos na makumpiskahan ng baril.
Dalawa naman ang nadakip ng Talipapa Police Station (PS 3) na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Morgan Aguilar habang apat naman ang naaresto ng Novaliches Police Station (PS 4) sa ilalim ni PLt. Col. Jerry Castillo.
Tatlo naman ang nadakip ng Batasan Police Station (PS 6) habang apat katao naman ang naaresto ng Holy Spirit Police Station (PS 14) at isa ang nadakip ng District Special Operation Unit (DSOU). Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code (COMELEC GUN BAN).
“QCPD would like to extend its appreciation to the community for their vigilant support and cooperation in reporting illegal firearms and suspicious activities. Together, we are working towards a safer and more secure Quezon City,” pahayag ng QCPD chief.
