
Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen Redrico Maranan
Ni Lily Reyes
MISMONG si Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen Redrico Maranan ang nangasiwa sa isinagawang distribusyon ng mga kagamitan para sa nalalapit sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ginanap na programa nitong Huwebes.
Nagsilbing highlights ng programa ang distribusyon ng 179 body-worn cameras mula sa Quezon City Local Government Unit (LGU) patungo sa mga pulis ng QCPD, na ide-deploy sa 107 iba pang polling centers sa BSKE 2023.
Ang paggamit ng mga ito ay gagarantiya umano na ang bawat aksyon sa panahon ng eleksiyon ay maayos na naitatala.
Kaugnay nito, inilunsad rin ang Task Force District Anti-Crime Reaction Team (TF-DART) sa kaganapang ito. Nabatid na ang TF-DART ay nilikha upang sawatain ang mga kriminal na aktibidad, magkaloob ng agarang tugon sa mga insidente at suportahan ang proseso ng elektoral upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa nalalapit na halalan sa Quezon City.
Ang grupo ay binubuo ng mga skilled at well-trained motorcycle officers, kung saan si Acting Deputy District Director for Operations (ADDDO) PCOL Josefino Ligan ang itinalaga bilang overall Supervisor.
Ang pangkat ay nilagyan din ng 22 motorsiklo, body vest, body worn cameras, tactical helmet, at hand-held radios.
“Nais kong samantalahin ang pagkakataong magpasalamat sa ating mahal na Mayor Josefina “Joy” Belmonte sa pagbibigay nitong logistik, mga body worn camera, mga motorsiklo, at iba pang kagamitan sa pagpapatupad,” pahayag pa ni Maranan.
Samantala, inanunsiyo rin ng QCPD chief na nagsagawa rin sila ng mga operasyon laban sa mga wanted persons mula Setyembre 10-12, 2023, na nagresulta sa pagkaaresto ng may 50 wanted persons.