Ni Jam Navales
HINIMOK ni House Committee on Health Vice Chairperson at AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes ang mga bagong halal na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials na tumulong sa layuning mapalakas ang immunization program, partikular para maprotektahan sa iba’t ibang uri sakit ang mga bata.
“Ang hamon natin sa ating mga bagong halal na barangay at SK officials ay umaksyon para muli nating mapataas ang bilang ng mga bakunadong bata sa ating mga komunidad,” ang pahayag pa ng neophyte pro-health advocate lawmaker.
“Malaki ang maitutulong ng ating barangay at SK officials sa pagkumbinsi sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak,” giit din ng kongresista.
Ginawa ni Reyes ang naturang panawagan kasunod na rin ng nakababahalang ulat ng Department of Health (DOH) kung saan simula umano ng taong 2020 hanggang nitong nakaraang taon ay patuloy ang pagbaba ng children immunization rate.
“The DOH said that from 69.08 percent in 2019, the number of fully-immunized children (FIC) dropped to 65.18 percent in 2020, and to 62.86 percent in 2021. The drop has been steeper in 2022, the DOH noted, with only 53.60 percent of children aged zero to 12 months being fully immunized,” ang nababahalang sabi pa ni Reyes.
Ang FIC ay ang sanggol na nabigyan ng one dose ng bacille Calmette-Guerin (BCG), three doses ng oral poliovirus vaccines (OPV), three doses ng diphtheria-Haemophilus influenzae-hepatitis B (DPT-HIB-HepB) vaccines, at two doses of meningococcal vaccine sa pagsapit nito ng 12 months.
Nanawawagan din si Reyes sa lahat ng local government units (LGUs) na higit pang maging aktibo sa pagsasagawa ng pagbabakuna upang maprotektahan ang mga bata mula sa mga sakit na maaari namang maiwasan.
Hinimok din ng ranking House official na bukod sa infant’s vaccination, maglaan din ang bawat LGUs ng pondo para sa pagbibigay ng human papilloma virus (HPV) vaccine partikular ng mga batang babae na nasa grade 4 level. “Mabisang pangontra sa iba’t ibang sakit ang mga bakuna, kaya’t sana patuloy ang pagsagawa ng mga house-to-house at iba pang information dissemination at persuasion strategies para mahikayat ang mga magulang na bigyan ng proteksyon ang kanilang mga anak,” hirit pa ni Reyes.
“Bigyang-diin natin na mailalayo sa banta ng sakit ang mga bata kung mabakunahan sila. Maiiwasan ang pagkalumpo dahil sa polio, at para naman sa mga batang babae, malaki ang tulong ng HPV vaccine kontra sa cervical cancer na second-most common cancer sa mga kababaihan,” pagtatapos ng AnaKalusugan party-list congressman.
