MATAPOS ang makailang ulit na pagkabigo, muling binuhay sa Kamara ang panukalang charter change (ChaCha), ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, kasabay ng pagsisiwalat sa aniya’y malawakang suhulan sa hanay ng mga alkaldeng inatasan mangalap ng pirma sa petisyong nagsusulong ng “People’s Initiative” para sa baguhin ang Saligang Batas.
Partikular na tinukoy ni Lagman ang tinaguriang supermajority sa likod ng pag-arangkada ng ChaCha sa ginanap na pulong kasama ang mga miyembro ng League of Mayors sa lalawigan ng Albay kamakailan.
Sa naturang pulong, inabisuhan di umano ang mga alkalde hinggil sa tinutulak na people’s initiative bilang paraan sa planong pagbabago ng Konstitusyon, kasabay ng pangakong pondo sa kada pirmang makakalap sa nasasakupang lokalidad.
“This movement is apparently nationwide as congressmen belonging to various political parties have been sent the necessary forms,” wika ng kongresista.
Gayunpaman, kampante ang mambabatas na hindi makakalusot sa Korte Suprema na dati nang nagbasura sa people’s initiative bunsod ng kakulangan sa implementing laws na sumusuporta sa naturang mekanismo.
