NI JAM NAVALES
KUMBINSIDO ang isang kongresista na maisasakatuparan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangakong P20 kada kilo ng bigas sa merkado – kung ganap na maging batas ang panukalang Cheaper Rice Act na inihain sa Kamara.
“Kung gusto nating maabot ang P20 per kilo ng bigas, itong Cheaper Rice Act ang nakikita natin solusyon, at dapat itong gawin priority measure para maisabatas na sa lalong madaling panahon,” ayon kay AGRI partylist Rep. Wilbert Lee sa inihaing House Bill 9020.
“Sa panukalang ito, papatungan natin ng P5 to P10 ang presyo ng palay per kilo na bibilhin ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka para siguradong kikita sila. Kapag may kita, magpupursige silang taasan ang kanilang produksyon,” dugtong ng Bicolano solon.
Ayon kay Lee, sa ilalim ng isinusulong na panukalang batas, ang Department of Agriculture (DA), sa pakikipag-ugnayan na rin sa Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang kinauukulan ahensya ng pamahalaan ang siyang bibili ng aning palay ng mga magsasakang Pilipino sa mas mataas na halaga at direktang magbebenta sa mga consumers sa mas mababang halaga.
Naniniwala ang neophyte lawmaker na sa pamamagitan nito, masosolusyunan ang gawi ng ilang rice farmers na napipilitan ibenta ang kanilang lupain dahil nalulugi lamang sa pagsasaka.
“Kung may kita kada kilo, wala pong makakaisip na ibenta ang kanilang lupa. Mae-engganyo pati na ang kanilang mga anak at mga kabataan na pasukin ang pagsasaka,” diin pa ni Lee.
Samantala, hinimok din ni Lee ang pamahalaan na huwag umasa sa rice importation bilang solusyon sa panawagang ibaba ang presyo ng kada kilo ng bigas sa mga lokal na pamilihan.
Sa halip, dapat ay ituon ang atensyon sa pag-abot, pagpapabuti at pagpapalakas sa rice self-sufficiency program, na siya ring umanong adhikain ng iniakda HB 9020.
“May domino effect ang benepisyo ng panukala nating ito. Dahil sigurado ang kita at patataasin ng mga magsasaka ang kanilang produksyon, dadami ang supply, mapapababa ang presyo sa merkado, at kaya nating maabot ang food security at food sufficiency. Kapag nagtuloy-tuloy ito, darating ang araw na kaya na rin natin mag-export ng bigas,” sabi pa ni Lee.
“With more income, we empower our farmers to provide food for their family and for the entire country, at the same time easing their concerns about getting sick because they cannot afford medical treatment or hospital expenses. Sa pagsasabatas ng Cheaper Rice Act, Winner Tayo Lahat,” pagtatapos ng mambabatas.
