HINDI na bago ang dinastiya at nepotismo sa gobyerno. Katunayan, marami na ang sumubok iwaksi ang nakagawiang Kamag-anak Incorporated – pero sa dinami-dami ng nagtangka, walang nagtagumpay maski isa.
Sa pagbabalik ng mga Marcos sa Palasyo, nakabuwelta rin ang mga pamilyang kilalang malapit sa kanila – bukod pa sa mga kamag-anak na nasa pwesto tulad nina Manang Imee na nasa Senado, Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos-Manotoc, presidential son na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, at syempre ang pinsan ng Pangulo: si Martin Romualdez na lider ng Kamara de Representantes.
Hindi naman nagpaiwan ang mga Yulo. Katunayan, nasungkit ni Ma. Antonia Yulo-Loyzaga ang posisyon ng pagiging Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Subalit di tulad ng iba, di siya gumastos, gumapang o nag-apply man lang para magkaroon ng pwesto.
Ganun katibay kay Marcos si Yulo-Loyzaga sa kabila pa ng mga eskandalong kinasasangkutan.
Kilalanin natin si DENR Sec. Yulo. Sa apelyido pa lang, batid natin bigatin ang kanyang pamilya. Anak siya ng nasirang Luis Yulo na mas kilala bilang katiwala – kung hindi man crony ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Hindi rin siya iba kay First Lady Liza Araneta, lalo pa’t marami-raming Yulo at Araneta na rin naman ang nagkatuluyan at naging mag-asawa.
Sa madaling salita, naging isang malaking pamilya ang angkan ng mga Marcos, Yulo at Araneta na pawang kabilang sa mga pinakamayaman sa bansa. Patunay nito ang malawak nilang lupang kapag pinagsama-sama ay posibleng dalawang ulit na mas malaki pa kesa sa buong Metro Manila.
Gayunpaman, hindi kainaman ang reputasyon ng mga Yulo. Karaniwang paratang sa mga Yulo, pangangamkam ng lupa tulad ng giit ng mga magsasaka sa mga bayan ng Canlubang (sa lalawigan ng Laguna), Coron at Busuanga sa Palawan.
Tulad ng mga Yulo, dawit din sa land grabbing si Greggy Araneta. Pero kakaiba ang mga Yulo dahil nagawa ng kanilang sugo sa gobyerno na isabotahe ang implementasyon ng Republic Act 6657 na mas kilala bilang Comprehensive Agrarian Reform Law.
Di hamak na mas mabangis ang mga Yulo na sanay sa kultura ng karahasan. Tulad na lang ng hinaing ng mga residente ng Sitio Buntog in Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna. Anila, sadyang sinunog ang buong komunidad noong 2021 para bigyang-daan ang proyekto ng San Cristobal Realty Development Corporation na pag-aari ng mga Yulo.
Sa Palawan, nagbuwis na rin ng buhay para sa karapatan ang magsasakang si Arnel Figueroa na binaril ng gwardya ng Yulo King Ranch mahigit pitong taon na ang lumipas.
Sa mga nakalipas na buwan, may mga panawagan kay Yulo-Loyzaga para bumaba sa pwesto. Meron din naman naghihintay at umaasang kikilos ang Pangulo. Pero sorry na lang kayo, bagyo ang dating ni Sec. Yulo Loyzaga sa Pangulo at maging sa Unang Ginang Liza Araneta.
Kamag-anak nga, di ba?
