HABANG nagtatago para makaiwas sa patong-patong na kaso, nagawa pang pumapel ng isang dating kongresista sa panawagang pagbibitiw sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“I support the stand of the Duterte’s, tama ang sinabi ni Mayor Baste na tamad ka, wala kang malasakit, o wala kang plano sa ating bayan, mag-resign ka na lang,” wika ng sinibak na Negros Oriental, 3rd District Rep. Arnolfo Teves, kasunod ng mga patutsada ni Davao City Mayor Baste Duterte laban kay Marcos Jr.
Sa usapin ng Charter Change na isinusulong ng Kamara, hindi rin aniya kayang bilhin ng administrasyon ang taga-Negros kasabay na giit sa pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mga mamamayan kesa sa ambisyong manatili ang poder sa pamilya.
“Habang nangyayari ito, lahat ang dami sa ating mga opisyal ng gobyerno ay nagpapasarap lang ng buhay, nagbiyahe-biyahe, pa-New York, New York, pa-Europe, Europe lang gamit pa at gastos ang milyun-milyong pera ng taumbayan,” ani Teves sa isang kalatas.
“Papaabutin pa ba natin ito ng 6 years na magtiis tayo ng ganito?” dugtong pa ng wanted na dating kongresista.
Hirit pa ng ex-solon na nahaharap sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal kaugnay ng mga patayan sa Negros Oriental, dapat aniyang protektahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang 1987 Constitution.
Samantala, ikinasa na ng Department of Justice (DOJ) ang pakikipag-ugnayan sa Interpol para tuntunin, dakpin at ibalik sa bansa si Teves na huling namataan sa Timor Leste.
