Ni LILY REYES
DAHIL wala ng bisa ang pagiging siga, nagpalit ng taktika ang China para tiyakin hindi na babalik ang mga mangingisdang Pinoy sa isang bahagi ng West Philippine Sea na pilit sinasakop – ang lasunin na lang ang karagatan.
Pagbubunyag ng isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), gumagamit ang China ng nakalalasong kemikal para sirain ang Bajo de Masinloc na may layong 229 kilometro mula sa pampang ng lalawigan ng Zambales.
Batay sa umiiral na 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), pasok sa 200 nautical mile exclusive economic zone (EEZ) radius ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc.
“According to Philippine fishermen, yung mga Chinese fishermen, if I’m not mistaken, ay gumagamit ng cyanide,” wika ni BFAR chief information officer Nazario Briguera sa isang pulong-balitaan sa Quezon City kamakailan.
Ito rin aniya ang dahilan sa pagkawasak ng ilang bahagi ng karagatan at bahurang higit na kilalang mayaman sa mga yamang-dagat.
Batay sa pagtataya ng opisyal, bilyong-halaga na ang napinsala dulot ng cyanide na sadyang isinaboy ng mga Tsino para mawalan ng ng interes at di na bumalik pa ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc.
Para kay Briguera, ang pagkasira ng mga coral reef sa Bajo de Masinloc ay malinaw na kaso ng “illegal, unreported, and unregulated fishing”.
“These are serious concerns that we need to condemn on the part of the BFAR because this actually compromises the integrity of the whole marine resources, not just in the Philippines but including adjoining waters of other countries,” pagtatapos ng opisyal.
