Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
SA gitna na rin ng matinding tag-init na dulot ng El Nino, iminungkahi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pagkakaroon ng ‘rain collection system’ (RCS) sa mga itatayong residential, commercial at institutional buildings, partikular sa mga tinaguriang urban o densely-populated areas sa bansa.
Target ng House Bill 4837 na akda ni Barbers obligahin ang mga developer na magkabit ng RCS sa kada proyekto bago pa man gawaran ng building permit. Sa gayong paraan aniya, pwedeng makaipon ng tubig sa panahon ng tag-init.
“The global extreme weather conditions apparently due to climate change prompted the idea calling for the mandatory RCS installation in all residential, commercial and institutional buildings that would be built in the future,” sabi pa ng Mindanaoan solon na siya ring chairman House Committee on Dangerous Drugs.
Para kay Barbers, napapanahon na rin aniyang isama sa talaan ng mga rekisitos ang RCS sa mga itatayong residential, commercial at institutional buildings.
Ang RCS, paliwanag ng mambabatas, ay isang bahagi ng istrukturang magsisilbing imbakan ng tubig-ulan na aniya’y pwedeng gamitin sa ibang paraan.
Aniya, hindi na bago ang pag-iipon ng tubig ulan sa mga kanayunan kung saan may mga kabahayang karaniwang gumagamit ng water containers para sahurin at ipunin ang tubig-ulan na ginagamit sa iba pang kapakinabangan gaya ng pagdidilig ng halaman, paglilinis at iba pa.
Pasok sa panukala ni Barbers na gawing rekisito ang RCS bago gawaran building permit ang may-ari o developer ng itatayong istruktura.
Para naman sa mga developers na tatalima sa panuntunan, 10% tax credit ang isinusulong ng kongresista.
Sa mga susuway, multang maglalaro mula P100,000 hanggang kalahating milyon ang kanyang panukala – bukod pa sa suspensyon ng lisensya.
