Ni LILY REYES
PARA tiyakin patas at walang bahid alinlangan ang magiging resulta ng ikinasang imbestigasyon, hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga lokal na opisyales ng Bohol na “magbakasyon” hanggang sa mabigyan linaw ang kontrobersiya kaugnay ng mga nagsulputang resorts sa loob ng protected area na sakop ng Chocolate Hills sa naturang lalawigan.
Ayon kay Abalos, pag-aaralan ng binuong task force ang posibleng pananagutan ng lokal na pamahalaan sa paglabas ng building permit sa mga pribadong kumpanyang nagmamay-ari ng mga resort sa Chocolate Hills na deklaradong UNESCO World Heritage Site.
Pagtitiyak ni DILG chief, pananagutin ang mga lokal na opisyales na nagbigay pahintulot sa pagtatayo ng Captain’s Peak Resort at dalawa pang establisyemento.
“Kami ay nagpakilos ng isang special investigation team upang mabilis na matiyak ang anumang pananagutan ng mga lokal na opisyal sa bagay na ito,” ani Abalos.
Babala ni Abalos, sasampahan ng kaukulang asunto ang mga lokal na opisyales na mapatunayang kasabwat o nagpabaya sa mandato o sinumpaang tungkulin bilang public servant.
Higit na kilala ang Chocolate Hills ng Bohol bilang UNESCO World Heritage Site at isang protektadong lugar sa ilalim ng Proclamation No. 1037 Series of 1997 at ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.
Sa kaugnay na balita, tila mas interesado ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa multang ipapataw sa mga naturang establisyemento bunsod ng kawalan ng environmental compliance certificate (ECC).
Sa pagtatayang inihayag ng isang opisyal ng DENR, posible anilang magpataw ang kagawaran ng multang P5 milyon sa Captain’s Peak Resort.
