Ni EDWIN MORENO
TILA binubuwenas ang isang alkalde sa kabila pa ng naganap na pananambang ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang kanyang sasakyan sa Barangay Dapdap, Alangalang sa lalawigan ng Leyte.
Sa ulat ng lokal na pulisya, hindi sakay ng pick-up si San Isidro Mayor Remedio Veloso nang maganap ang pananambang.
Gayunpaman, sugatan ang kanyang driver na kinilala sa pangalang Angel Batiquin Reubal ng Barangay Linao, sa bayan ng San Isidro, habang maswerteng hindi nahagip ng bala ang isa pang kasamahan na nakilala sa pangalang Carlo Emman Pauligue ng Barangay Daja Dako, sa nabanggit na lokalidad.
Sa ulat ng Alangalang PNP, patungo sa San Isidro ang Toyota Hilux pickup nang mangyari ang insidente. Nagtamo ng mga tama ng bala ang windshield sa gawi ng driver’s seat at gulong ng sasakyan.
Batay sa imbestigasyon, nakasakay din sa isang pick-up ang mga salarin na huling nakitang patungo sa direksyon ng bayan ng Sta. Fe ng nasabing lalawigan.
Hindi naman sinasantabi Leyte Provincial Police ang anggulo ng pulitika lalo pa’t may mga nauna nang pamamaslang noong mga nakalipas na buwan kung saan pawang opisyal ng barangay ang mga biktima.
Buwan ng Disyembre 2022 naman nang masawi ang kapatid ni Mayor Veloso matapos na tambangan at pagbabarilin sa Barangay Libongan, Kananga sa Leyte.
Una nang napabalita ang hidwaan sa pagitan ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez at angkan ng mga Veloso.
