SUSPENDIDO sa susunod na 60-araw ang gobernador ng Davao del Norte bunsod ng patong-patong na reklamong inihain ng isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa isang kalatas na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, partikular na pinatawan ng “preventive suspension” si Davao del Norte Edwin Jubahib kaugnay ng mga paratang – kabilang ang “misuse of authority, potential oppression, and the utilization of government funds to advance the interests of a private company.”
Gayunpaman, nanindigan si Jubahib na hindi bababa sa pwesto kasabay ng giit na political harassment lang ang inilabas na suspension order.
Nagbarikada na rin sa harap ng kapitolyo ang mga tagasuporta ni Jubahib bilang suporta sa punong lalawigan.
“Let us fight the harassment, injustice, and power tripping perpetrated by the people who are greedy for power,” wika ni Jubahib sa harap ng mga nagbarikadang tagasuporta.
Patutsada ng gobernador sa Palasyo, hindi umano siya binigyan ng pagkakataon sagutin ang mga alegasyon bago inilabas ang suspension order.
Kumbinsido rin ang gobernador na may kinalaman sa kanyang ibinulgar na ayuda scam ang suspension order.
“I will only step down if it is the will of the 400,000 constituents who voted for me,” pahabol na Jubahib.
