Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI pa man natutuldukan ang agam-agam hinggil sa pagpasok ng mga Chinese spies sa Philippine Coast Guard, isiniwalat naman ng isang kongresista sa pagdumog ng mga Intsik sa lalawigan ng Cagayan.
Hirit ni Cagayan 3rd District Rep. Joseph Lara, isang “congressional probe” bunsod ng aniya’y kaduda-dudang pagdami ng mga Chinese nationals na naka-enrol sa mga paaralan sa Tuguegarao at iba pang bayan sa naturang lalawigan.
Sa kanyang inihaing House Resolution 1666, binigyan-diin ni Lara na tumatayong chairman ng House Committee on Globalization and WTO, na hindi dapat isantabi ang nakaka alarmang dami ng Chinese nationals na nag-enrol sa iba’t-ibang higher education institutions (HEIs) sa Cagayan.
“With the end view of ensuring national security amidst the prevailing situation in the West Philippine Sea, the House leadership should direct the appropriate committee to conduct an inquiry, in aid of legislation, on the surge of alleged Chinese students,” giit ng solon.
Base aniya sa nakalap niyang impormasyon, mismong ang pamahalaang panlalawigan at city government ng Tuguegarao ang tumatayong “sponsors” ng mga Chinese nationals para makapasok bilang estudyante sa mga kolehiyo at pamantasan sa nabanggit na lalawigan.
Aniya pa, suportado ng dalawang nabanggit na local government units ang Belt and Road Policy ng China habang mahigpit namang tinututulan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Dagdag ng House panel head, maraming concerned Cagayanos ang nababahala sa biglang pagbuhos ng libo-libong Chinese nationals sa lalawigan, na nagpapakilala bilang mga estudyante.
May mga impormasyon di umanong nakarating sa kanyang tanggapan hinggil sa kakaiibang ikinikilos ng mga banyagang Tsino.
Kumbinsido rin ang kongresista na may kinalaman sa lumalalang tensyon sa West Philippine Sea ang pagdumog ng mga Tsino sa probinsyang may strategic geographical location na posibleng ginamit na entry point ng mga Chinese nationals.
