GANAP nang umarangkada ang mahigpit na implementasyon ng pagbabawal sa mga e-bike, e-trike, tricycle, scooter at kuliglig sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Don Artes.
Bukod sa pag-impound ng e-bike, e-trike at iba pang tatlo-gulong sa mga national roads, nagbabala rin si Artes na nakaambang pagkumpiska at pagpapataw ng multang P2,500 sa mga mahahagip sa inilatag na operasyon ng MMDA alinsunod sa batas at mga ordinansang ikinasa ng mga lokal na pamahalaan sa kabisera.
Nanawagan din si MMDA chief sa mga may-ari ng mga naturang sasakyan, iparehistro muna sa Land Transportation Office (LTO) ang mga nasabing sasakyan.
Ani Artes, saklaw ng paghihigpit ng MMDA sa mga e-bike, e-trike at iba pang sasakyang pinagbabawal sa mga national roads ang nasa 21 kalsada sa Metro Manila.
“P2,500 ang multa sa mga mahuhuling lalabag pero kung walang driver’s license ang rider at kung hindi nakarehistro ang mga light electric vehicles, ang instruction ay i-impound sila,” wika ni Artes.
