Ni EDWIN MORENO
BILANG bahagi ng programang naglalayon maibalik ang tiwala ng publiko sa hanay ng mga unipormado, naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga burdadong kabaro.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame, inihayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo ang bagong panuntunan ng pambansang kapulisan – bawal ang may tattoo.
Alinsunod aniiya sa Memorandum Circular 2024-023 na pinagtibay noong Marso 19 ng kasalukuyang taon, inatasan ang lahat ng uniformed, non-uniformed police gayundin ang civilian police na burahin ang burda sa katawan.
Paglilinaw ni Fajardo, yun lamang mga kita ng publiko ang buburahin.
“For some sinasabing creative art ito, expression of oneself belief sa artistic side po nila but in every right there’s a boundaries dito ay nasa loob tayo ng uniformed service kasi pangit na naka-uniform ang pulis natin na tadtad ng tattoo,” wika ni Fajardo.
Hindi na rin aniya tatanggapin ng PNP ang mga aplikanteng burdado.
Sa hanay ng mga aktibong miyembro ng PNP, pinag susumite na rin ng affidavit kung ilan at saan ang nakatagong tattoo. Bawal na rin sa ilalim ng naturang direktiba ang pagkakaroon ng bagong burda.
Gayunpaman, kailangan pa rin burahin ng mga pulis ang nakatagong tattoo kung ang burda ay pasok sa kategorya ng pagiging extremist, ethnically/ religiously discriminatory, offensive, racist, sexist o indecent.
Samantala, hindi naman anni Fajardo saklaw ng kautusan ang mga aesthetic tattoos sa hanay ng mga kababaihan.
