PUMALO na sa 103 lokalidad sa buong bansa ang isinailalim sa state of calamity bunsod ng perwisyong dulot ng El Niño phenomenon, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Press Assistant Secretary Joey Villarama na tumatayong tagapagsalita ng Task Force El Niño ang ulat ng Office of Civil Defense (OCD) kung saan kabilang sa mga apektadong lugar ang mga lungsod, munisipalidad at probinsya ng Occidental Mindoro, Antique,Sultan Kudarat; Basilan at Maguindanao del Sur.
Batay sa heat index forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), umabot na sa 46°C ang heat index ang naitala ng weather bureau.
Naglalaro naman sa 42 hanggang 46°C heat index ang nararanasan sa 30 lugar – kabilang ang Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, pasok sa kategorya ng dangerous heat index ang umiiral na alinsangan. Babala ng state weather bureau, iwasan ang matagal na outdoor exposure para maiwasan ang heat cramps at heat exhaustion.
Una nang nagbabala ang PAGASA sa anila’y mas mahabang panahon ng sukdulang init bunsod ng sabayang epekto ng tag-init at El Niño.
Batay sa datos ng PAGASA, naitala ang 48°C – ang pinakamataas na heat index – sa mga lalawigan ng Cagayan at Cavite.
Samantala, umabot na rin sa halos P4 bilyon ang pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura.
