AGAD na binawian ng buhay pagdating sa pagamutan ang isang sarhento ng pulisya matapos barilin ng 7-taong gulang na anak habang sinasaktan di umano ang asawa sa Sagay City, Negros Occidental.
Batay sa medico legal ng ospital na pinagdalan ng biktima, isang tama ng bala sa leeg ang tumapos sa buhay ni Police Staff Sgt. Lernie Alacha na nakadestino sa Sagay City Police Office, ng Barangay San Andres ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng lokal ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala1:00 ng hapon bunsod ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa – tagpong pinaniniwalaang nagtulak sa 7-anyos na anak na kunin ang baril ng ama sa kahon sa labas ng kwarto.
Kwento ng ginang, kinumpronta di umano siya ng asawa dahil sa matinding selos, hanggang mauwi sa mainit na pagtatalong narinig ng 7-anyos nilang anak na agad ‘rumesponde’ para ipagtanggol ang sinasaktan niyang ina.
Isinailalim na sa kustodiya ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Sagay City Police Station ang paslit.
Inamin din ng ginang na madalas siyang saktan ng asawang pulis dahil sa selos.
