Ni JAM NAVALES
“KAYA ng PhilHealth araw-arawin ang pagtataas at pagpapalawak ng benepisyo.”
Ito ang mariing pahayag ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee nang sumalang sa pagdinig ng House Committee on Health ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kamakailan.
“Masaya tayo na sinimulan nang ipatupad ang ipinaglaban nating 30% increase sa benefit packages ng ahensya. Pero hindi tayo hihinto sa 30% increase lang. Sa pagtaas ng premium ngayong taon, magkakaroon na naman ng dagdag na pondo ang PhilHealth. Dapat tuloy-tuloy pa ang pagtaas sa coverage ninyo,” pahayag ng Bicolano solon.
Ayon kay Lee, hindi niya tatantanan at patuloy na babantayan ang pangako ng state health insurer na mapataas at mapalawak ang iba’t-ibang benepisyong binibigay sa mga miyembrong kinakaltasan ng buwanang butaw para sa naturang ahensya.
Una nang iginiit ng AGRI partylist lawmaker na mapalawak o madagdagan ang PhilHealth healthcare packages at coverage matapos niyang ibunyag ang reklamo ng ilang mga ospital at doktor hinggil sa pagkakautang na umabot na sa halagang P27 billion.
Sa deliberasyon naman ng Kamara para sa panukalang 2024 budget ng Department of Health (DOH) noong nakaraang taon, nadiskubre rin ni Lee na ang PhilHealth ay nakapagsubi ng P466 billion na investible funds at P68.4 billion net income nito.
Sa natuklasang tagong pondo, kumbinsido ang kongresista na may kapasidad ang PhilHealth na itaas ang health packages at coverages para sa kapakinabangan ng sambayanang Pilipino.
Naghain din ang mambabatas ng House Resolution 1407 na humihimok sa nasabing ahensya na itaas ang coverage sa 30%. Katwiran ni Lee, deka-dekada na ang edad ng case rate na pamantayan ng ahensya.
May panawagan din si Lee sa PhilHealth na magpatupad ng full coverage sa cancer treatment, heart bypass surgery, at iba pang major hospital operations gayundin ang tamang implementasyon ng “No Balance Billing.”
“In the case of cancer, hindi pwedeng installment ang gamutan dito. Kung ano ang kailangang gamutan sa cancer, dapat sagot lahat ng PhilHealth ‘yan. Sa coronary artery bypass, P550,000 ang limit sa coverage pero milyon-milyon ang gagastusin. Sa pag-iisip pa lang sa gastos, lalong magkakasakit ang pasyente,” aniya pa.
“Kung mayayaman nga, nababankrupt ‘pag nagkasakit, paano pa ang mahihirap? Gawin natin ang lahat para mabawasan ang pangamba ng bawat pamilya sa pagkakasakit. Mayaman man o mahirap, may karapatang mabuhay.”
