PARA sa isang kongresistang minsan nanungkulan bilang Kalihim ng Department of Health (DOHH), mas magiging epektibo ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung kukuha ng katuwang ang nasabing ahensya.
Solusyon ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa makupad na serbisyo ng PhilHealth – private service provider na direktang makikipag-ugnayan sa mga ospital, healthcare providers and healthcare professionals.
Bukod sa magiging mabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga PhilHealth members, kumbinsido rin si Garin na makakatipid ang state health insurer at mababawasan ang katiwalian sa natuurang ahensya.
“Mas mai-streamline ang admin cost, una ‘yan. Mas magiging mabilis ang serbisyo at malamang mababawasan yung fraud,” ani Garin.
“Alam naman natin na ang bagal ng proseso kasi nga masalimuot ang pinagdadaanan and then nagkakaroon nga ng konting mga inefficiency dahil nga ‘yung mga nangyari noong nakaraan,” dagdag pa ng solon.
Naniniwala rin ang dating Health Secretary na dapat itulad sa Health Maintenance Organizations (HMO) ang operasyon ng PhilHealth.
“Ang mangyayari niyan para kang HMO, kapareho ng ating mga private insurance, i-outsource ‘yan Luzon, Visayas and Mindanao through a government procurement process, kung sino ang manalo, siya ang magiging service provider, siya ang gagawa ng trabaho ng PhilHealth na nakikipag ugnayan dito sa ating mga ospital, healthcare providers and healthcare professionals,” paliwanag ni Garin.
Pinawi rin niya ang agam-agam hinggil sa posibleng pagtaas ng buwanang kontribusyon. Ang tangi lang magbabago aniya ay ang lawak at kalidad ng serbisyo.
