LEVEL-UP na ang mga sundalong Intsik na nambabarako sa West Philippine Sea.
Patunay nito ang pinakahuling insidente hinggil sa di umano’y pagtikad sa dalawa barkong misyon ay maghatid ng mga pangunahing pangangailangan (pagkain at gamot) sa mga sundalong Pinoy na nakahimpil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Ray Powell na mas kilala sa larangan ng seguridad, hinarang at hinabol umano ng ilang barko ng China nitong nakaraang Biyernes ang dalawang resupply mission.
Isinalaysay ni Powell sa kanyang social media tweets na nakabangga ng BRP Malabrigo at BRP Malapascua ang mga barko ng China habang nagbibigay ng escort sa mas maliit na bangkang nagtatangkang magdala ng suplay sa mga sundalong nanatili sa naka-angkla na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
May dalawang barko ng Chinese Coast Guard, pitong militia ships at pitong iba pang nagpapatrulya sa 20-50 kilometro ng hilagang-kanluran ng Mischief Reef. Ilan sa mga ito ang sumalubong sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) dakong alas-9:30 nitong Biyernes ng umaga.
Ani Powell, ang mga barko ng China ay “in a position to interdict” at “China only allows small boats to pass thru its gauntlet.”
Upang maiwasan ang pagtaas ng antas ng tensyon, nagpasya na lang di umano ang dalawang barko ng PCG sa silangang bahagi ng Sabina Shoal. Matapos na mag-resupply, hinabol umano ng dalawang barko ng CCG ang mga barko ng PCG saka bumalik ang isa malapit na base military sa Mischief Reef habang ang isa sa nagpatuloy sa pagpapatrulya sa Sabina Shoal.
Iginiit ni Powell na ang aktibidad na ito na nasa loob ng 80-100 nautical miles ng exclusive economic zone ng Pilipinas ay iligal sa ilalim ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS).
Kinumpirma naman ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na nagbigay nga ng escort ang dalawa nilang barko para sa pagsusuplay sa BRP Sierra Madre, ngunit hindi naman siya makapagbigay ng impormasyon ukol sa naganap na paghabol ng mga barko ng China.