MATAPOS ang ilang araw na pakikipaglaban, tuluyan nang binawian na ng buhay ang 4-anyos na pamangkin ng Remate online photojournalist nitong Sabado ng gabi sa Capitol Medical Center.
Si Resee Cairi, 4 pamangkin ni Rene Joshua Abiad, 37, ng Remate, ay kasama sa loob ng sasakyan nang pagbabarilin ng mga suspek noong Huwebes ng hapon sa kanto ng Corumi at Gazan Sts., Barangay Masambong, Quezon City.
Kasunod ng pagkamatay ng bata, nanawagan ang pamilya Abiad na huwag sanang malihis ang imbestigasyon ng mga awtoridad, lalo’t may pumanaw na sa mga nabaril.
“Malinaw naman po talaga na talagang na-surveillance kami maigi para malaman saan nakaupo si [Rene] Joshua. Maraming misleading info, nawawala na context ng kaso, parang hindi alam saan nanggagaling info na wala naman kami nilalabas na ganoon info,” ayon sa kaanak ng biktima.
Nabatid na bukod kay Abiad ay patuloy pang inoobserbahan ang kaniyang kapatid na lalaki at isang pang 8-anyos na batang babaeng pamangkin sa nasabinng ospital.
Kampante naman ang mga opisyal ng QCPD na malapit nang malutas ang kaso ng pamamaril dahil mayroon na umano silang mga person of interest at nangangalap na lamang sila ng mga ebidensiya.
“Mas malinaw ang nakuha namin mga [CCTV] footage,” pahayag ni QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III.
Una dito, sinabi ni Torre na dalawang anggulo ang tinitingnan ng pulisya, at ang una ay may kaugnayan sa pagiging mamamahayag ni Joshua habang ang ikalawa ay posibleng mistaken identity lamang ang pangyayari.
Sa pagsisiyasat ng pulisya posibleng ang target ng pananambang ay ang bayaw ni Joshua na isang contractor na mayroon umanong hindi pagkakaunawaan sa kanyang mga business partner.
‘His brother in law is a significant contractor at the moment involved in a dispute of his business associates. They weren’t driving the car’”, pahayag pa ng QCPD chief.