LABIS na nababahala ang Department of Migrant Workers (DMW)matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y pagkawala ng dalawang overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong.
Gayunpaman, tiniyak naman ng ahensya na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa mga awtoridad sa Hong Kong sa hangarin matunton ang mga nawawalang manggagawa na sina Imee Mahilum Pabuaya, 24 taong gulang, at Aleli Perez Tibay, 33-anyos.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang aniya’y pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa Philippine Consulate General, sa Hong Kong Police Force, at sa Hong Kong Immigration Department.
“As of now, yes, we have received that type of information and we’re currently working with our DFA, our Consulate General’s office on this matter,” wika ni Cacdac.
Batay sa ulat mula sa Migrant Workers Office (MWO) sa Hong Kong, huling nakita sina Pabuaya at Tibay noong Oktubre 4 sa Tsuen Wan District.
Panawagan ng DMW sa mga Pinoy OFWs sa Hong Kong, gayundin sa iba’t ibang ahensya ng naturang bansa na agad ibahagi ang anumang impormasyon ukol sa kinaroroonan nina Pabuaya at Tibay sa Philippine Consulate o MWO-Hong Kong.
