
NAKATAKDANG maglimbag ang Quezon City Government ng mga interactive storybooks para sa mga kabataang may kapansanan sa pamamagitan ng Inclusive Climate Action Cities Fund (ICA Fund) na pinangangasiwaan ng C40 Cities.
Nabatid na sa pamamagitan ng ICA Fund, bubuo ang lungsod ng serye ng “QC Local Climate Action Plan For Kids” books na tumatalakay sa mga solusyon at inisyatibang tugon sa epekto ng climate change.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ito ay ang inklusibo at child-friendly versions ng Enhanced Local Climate Change Action Plan for 2021 to 2050 ng lungsod.
Ididisenyo anila ang mga libro para sa preschool hanggang high school students, mula sa edad na 4 hanggang 18, at gagawin sa iba’t ibang bersyon akma sa mga indibidwal na may iba’t ibang pangangailangan at limitasyon.
Gagawin din umanong ‘accessible’ ang mga libro sa Braille at audiobook formats, upang masigurong ang mga batang mayroong iba’t ibang kakayahan at edad ay aktibong makakalahok sa climate action.
Nauna rito, noong Hunyo 28, inanunsiyo ng C40 Cities na ang Quezon City ay kabilang sa recipients ng grant, kasama ang mga lungsod ng Bogotá (Colombia), Dar es Salaam (Tanzania), Los Angeles (USA), Vancouver (Canada) at Warsaw (Poland).